“Simple Lang...”
Kailan ka huling ngumiti nang hindi mo alam kung bakit ka ngumiti? Kailan mo hhuling nadama na para bang wala kang problema, na tila ba ang buhay mo’y perpekto, ang mundo’y payapa?
Para sa iba, mahirap hanapin ang tunay na kaligayahan. Pakiramdam kasi ng iba ang mundo’y komplikado. May ilan naming nagsasabi na madali lang dahil ito’y nasa paligid. Hindi na raw dapat pang pahirapan ang sarili para lang maging masaya. At may mga tao rin naman na hindi alam kung ano nga ba, paano, saan makikita ang tunay na kaligayahan.
Sa totoo lang, noo’y hindi ko talaga alam kung ano nga ba iyon at kung ano ang nagdadala ng ganoong pakiramdam. Ngunit syempre, kagaya ng normal na tao, ako rin naman ay may normal na buhay at maraming pinagdaraanan – problema sa loob ng pamilya: ‘di magandang relasyon sa mga kapatid at mga magulang; sa mga kaibigan: mga ‘di pagkakaunawaan at pagkakasira ng inalagaang pagkakaibigan; sa iskwela: tambak na mga aralin, report at kung anu-ano pang mga requirements; pati pera ay pinoproblema ko rin, pagba-budget ng baon; pagkabigo sa pag-ibig na nakakaapekto talaga; diskriminasyong ‘di maawat-awat; idagdag mo pa ang mga nakakainis na kritisismo at mga nakapagpapangiting mga papuri mula sa iba’t ibang tao, mapa-kamag-anak man o napatingin lang; at kung anu-ano pa, halo-halong kulay at lasa – na nagdala sa akin sa riyalisasyon kung ano ang tunay na kaligayahan para sa akin. Humantong ako sa dalawang depinisyon kung ano ito:
Una, ang tunay na kaligayahan ay nakikita sa isang simpleng pagngiti nang hindi mo alam kung ano ang dahilan. (Hindi.) Hindi lang kasiyahan kundi puro at lubos na kagalakan, kaligayahan. Isabay mo pa ang magaan na pakiramdam na tila ba walang darating na mabibigat at maiitim na mga ulap na nagbubuhos ng malakas na ulan, na tila ba ikaw ay nasa alapaap at kasama mong lumilipad ang mga puting ibon na kapag tinatamaan ng mainit na sinag ng araw ay nakakakisilaw sa sobrang kislap. Ito ’yung mga panahong hindi maipaliwanag ng isang tao kung ano ang kanyang nararamdaman sa likod ng kanyang pagngiti. Maraming pagkakataon nang nahuli ko ang ibang tao na nagkakaganito. Ang nasasabi na lang nila ay, “Wala lang…Naisip ko lang, napakaganda pala ng buhay.” Kung hindi naman gano’n ay pwede ring puro magagandang bagay ang sinasabi nila. Madalas ay hindi nila napapansin na nakangiti na pala sila. Kailangan mo pang sabihin para lamang malaman nila kung gaano na kalaki ang ngiting iyon sa mukha nila. Minsan ‘yung mga taong hindi masyadong ngumingiti, sila ‘yung mga ganito. Kapag naman nakita mong napangiti, aba’y lubos ang pagtanggi. Nahuhuli ko rin minsan ang aking sarili na nakangiti. Kapag ganoon ay tinatanong ko ang aking sarili, “Anong meron? Anong nangyayari?” Madalas kasi kapag nahuhuli ko ang aking sarili ay ‘yung mga panahong madami akong iniisip na problema, kung paano ko maaayos ang mga ‘yon. Pero sa kabila ng mga problemang ‘yon ay nakuha ko pang ngumiti. Naalala ko ‘tuloy ‘yung kanta ng Bamboo, Noypi:
Andami mong problema
Nakuha mo pang ngumiti
Noypi ka nga
Astig
Oo nga, ‘no? Nakakapagtaka ang mga Pilipino. Paano natin nakukuhang ngumiti kahit na napakaraming dapat ayusin? A, alam ko na. Kasi kapag daw madami kang problema, ang ibig lang sabihin no’n ay binabantayan ka ng Diyos. Binibigyan Niya tayo ng pagsubok para maging mas matatatag na nilalang tayo, dahil Siya ang ating Ama at tayo ay Kanyang mga anak. May mga panahon na napapapikit ako ng mata at nagpapasalamat sa Kanya.
Ikalawa, ang pagiging masaya ay isang opsyon. Parang sa pamimili lang ng damit na isusuot sa araw-araw. Maaari kang magpaka-fashionista kung gusto mo o magsuot ng mga damit na nagpaparamdam sa ‘yo ng pagkakomportable. Mga damit na light o bright colored, sumasalamin sa kaginhawaan, pagkamaaliwalas. At, maaari mo ring piliin ang magpakalosyang o magpakabaduy. Nasa sa ‘yo kung ayaw mong sumaya. Parang ganoon din sa pagiging masaya. Pwede naman kasi napiliin mo ang maging masaya na humahantong sa pagiging tunay na masaya. Kayo, kung gusto niyong isipin na kayo’y mag-isa, magiging malungkot lang kayo. Bahala kayo. Sabi nga nila, “It’s all in the mind.”
Sa kabuuan: Ang tunay na kaligayahan ay hindi hinahanap. Ito ay sadya nating nararamdaman kapag tayo’y tunay na nagagalak. At ito’y nasa sa atin lang din. Ito ay nagtataglay ng iba’t ibang depinisyon, mga pagpapakahulugan ng iba’t ibang klase ng tao dito sa mundo. Marami ang tila kakaiba sa pandinig, pero sa kanila iyon ang tunay na kaligayahan. Siguro ay weird ang akin. Pero, ito ay opinyon lang naman. At walang maling opinyon. :)
©RiaElique
No comments:
Post a Comment