“Kalokang First Love!”
Nasa ikatlong taon ako ng aking pagkahayskul nang aking maranasan ang tinatawag nating “First Love” o unang pag-ibig. Siya ay aking nakilala gamit ang pinakamabilis at pinakamodernong paraan ng kuminikasyon – ang cellphone.
Iyon ay isa lang naman sa mga ordinaryong araw para sa isang palangiting estudyante na tila ba walang iniisip na problema nang ako ay biglang tamaan ng aking nakakalokang curiosity.
“Hmp. Ang epal nito! Nakakainis na,” aburidong sabi ni Trish na may halo pang pagkunot ng noo.
“Hay naku! Sinabi mo pa. Akala mo naman kung sinong magsalita, wala naming ibubuga,” mariin na pag-ayon na sagot ni Yanny kay Trish.
Narinig ko ang usapan nilang ito at dahil sa mga kaibigan ko naman sila, nagtanong ako. “Girl, sino naman ‘yang topic niyo? Parang inis na inis ka.”
“A, eto? Nanliligaw sa ‘kin pero hindi ko naman siya gusto. Napaka-epal kasi, anyabang.”
“Gano’n? E, ‘di h’wag mong sagutin. Problema ba ‘yon?” Sabay tawa kong sagot.
“Sarah, favor naman dyan,” nakangiting tingin sa ‘kin ni Trish.
“Ano?”
“Teksmeytin mo nga para tigilan na niya ako.”
Nag-alinlangan pa ako no’ng una pero dahil sa nahiwagaan ako sa sinabi nila, “Okey, tignan nga natin kung uubra ‘yang sinasabi niyong kaepalan niya sa ‘kin.”
Mula no’ng araw na ‘yon, nagging textmates kami ni Kean. Tinigilan nga niya si Trish at nagkaroon ng girlfriend. Epal at mayabang din nga. At heto pa, hindi ba ang text ay ginawa para paikliin ang mga salita? Sa kanya, hindi. Buo kung magtext at English pa! Kaloka! Halos magnosebleed ako noon pakikipagtext at katetext sa kanya. Pati kasi ako ay napapa-Ingles din. Hayun, text-text. Panay ang kwento niya kung gaano niya kamahal si Ate Kristiyn, girlfriend niya ng mga panahong iyon. Hanggang sa isang araw, nagtext si Kean. Wala na sila ni Ate Kristyn at tinanong niya kung pwede daw ba niya akong ligawan. Hindi nagtagal, dahil sa nagustuhan ko naman na siya kahit na naiinis pa rin ako sa kayabangan niya, pinayagan ko siya. (O, baka sispin niyo na hindi pa kami nagkita.) Nagkakilala na kami bago pa niya ‘yon tanungin sa ‘kin, informal meeting nga lang. Naging kami pagkatapos ng nakakalokang ligawan stage. Friday the 13th nang sinagot ko siya.
Naging lihim ang relasyon naming kahit na ipinaalam ko kina mama na nanligaw siya sa akin. Hini ko sinabi kay mama na naging kami dahil lam kong magagalit siya. Hinahatid ako ni Kean sa bahay pero hindi niya kailanman nakilala ang aking pamilya kahit na gustong-gusto niya. Ayaw ni mama na makilala siya magmula no’ng nalaman nioyang naging kami na. Pinagalitan at ipinahiya nila ako noon. Nagalit si mama sa akin. Ramdam ko ‘yon. Itigil ko raw ang aking kabaliwan. Pero minahal ko siya at naramdaman ko rin naman na minahal niya ako. Kaya naman kahit na napunta na ako sa ipit na sitwasyon ay ipinagpatuloy namin ang meron kami. Dahil sa kanya ay natuto akong magsinungaling, umalis nang walang pasabi. Hindi ko sinunod si mama.
Maayos naman ang mga grado ko habang kami pa. Siya ang aking naging inspirasyon. Pero dumating ang Independence Day, naghiwalay kami dahil sa isang bagay na hindi klaro sa akin. Sinubukan kong tanggapin iyon. Hindi ko nagawa. Nagkandaloko-loko ang pag-aaral ko. Pati research paper ko, hindi ko natapos. Tinamad ako na gawin ang mga bagay-bagay.
Inabot ako ng dalawang taon para tuluyang makalimutan ang sakit at pait ng makadurog pusong pangyayai na iyon. Naibalik ko na ang dating palangiti at masayahing ako. Magkaibigan na kami ngayon ni Kean, sa FB nga lang, virtual friendship. Hindi pa kami nagkakaayos. Pero umaasa ako na darating ang araw na matatawag ko siyang kaibigan. Maraming salamat sa kanya dahil dahil sa kanya lumalim ang interes ko sa mundo ng Ingles (Siya pa nga ang dahilan kung bakit ABES ang kinuha kong kurso, e!) lalo na sa pagsusulat ng mga tula at awit. Aral na maituturing ang karanasan ko na ‘yon. Alam niyo ba ‘yung kanta ni Taylor Swift na “Fifteen”? ‘Yun ‘yon… :)
---Isa ito sa mga komposisyon ko sa klase namin sa Retorika. Ito ay totoong nangyari at sadya ko ring binago ang mga pangalan ng mga tauhan for the sake of confidentiality. :))
© by Ria Elique
No comments:
Post a Comment